Ang sigasig ni Dr. Jose Rizal ay dapat magsilbing inspirasyon sa mga kabataan ngayon.
“Dakila!” iyan ang bansag sa ating pambansang bayani na si Dr. Gat Jose Rizal. Sa modernong panahon ngayon , ano na nga ba ang papel niya sa buhay nating mga Pilipino?
Tulad ng ibang mga bayani, Ang pagmamahal niya sa ating bayan ang nag-udyok sa kanya na ipaglaban ang ating kalayaan mula sa mga Espanyol. Paggamit ng sandata, dahas at pagpatay ang mga karaniwang batayan ng pagiging isang bayani, ngunit ang lahat ng ito ay binago niya. Panulat at papel ang kanyang naging sandata sa pagtatanggol ng ating bansa. Minulat niya ang ating mga natutulog na isipan ukol sa kawalang-katarungan at pang-aabuso ng mga mananakop. Ito ang naging dahilan upang lumiyab ang ating mga damdamin upang maipaglaban natin ang ating pinakamamahal na bansa.
“Kabataan ang Pag-asa ng bayan!” ang mga mabibigat na salita na binigkas ni Rizal. Ang mga kabataan raw ang kinabukasan ng ating bansa. “Early pregnancy, hazing, Minor drug-users” Iyan ba ang matatawag na Pag-asa? Ayon sa mga eksperto, parami na ng parami ang mga kabataang nalululong sa droga at maagang nagbubuntis. Modernisasyon ang natatanging dahilan ng mga pangyayaring ito. Kapwa ko mga kabataan tayo’y nakalilimot! Lubos akong nalulumbay sa aking mga nakikita. Panahon na upang patunayan natin na tayo nga ang kinabukasan ng ating bansa.
Ano nga ba ang solusyon para maiahon ang ating bansang paurong?
Pagsisikap ang kasagutan sa suliranin ng ating bansa. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na ibinigay sa atin ng mga dakilang bayani na mamuhay nang malaya. Paunlarin natin ang ating mga sarili at gawing inspirasyon ang buhay na inialay ni Rizal para sa ating bansa. Huwag nating kalimutan ang kanyang mga ginawa at magsilbi sana siyang inspirasyon sa ating pagtahak sa buhay. Sa panahon ngayon ng krisis, gamitin natin ang kanyang buhay na ilaw at lakas sa pagtahak natin patungo sa matiwasay at maunlad na pagbabago.
Dr. Gat Jose Rizal. Isang Pilipino, isang bayani at isang inspirasyon sa pagtahak natin sa ating buhay.
No comments:
Post a Comment